Bakit kailangang mauna ka? Astig ka ba?
Marami na ang nagkakainteres basahin ang blog na ito, subalit maraming nagtataka kung bakit ang mga una kong inilathalang mga artikulo ay patungkol sa mga numero. Eh bakit nga ba? Ano nga ba ang naging katwiran ko pagdating sa pag-aaral ng sipnayan o matematika? Kung gusto ko kayong pagyabangan at mamangha agad eh pwede naman. Tutal pwede namang gayahin ko ang ibang titser na parang robot kung magturo. Lahat nakabase sa libro at parang ito na nga lang ang nagdidikta sa kung ano ang dapat lamang malaman ng mga kabataan. Bawat linya at pahina ng libro ay kailangang tapusin hanggang sa pagtatapos ng taon. Ngayon kung medyo "slow" ka, eh malamang mapag-iiwanan ka nga. Pero subukan mong tanungin ang karamihan sa kanila kung ano ang magandang ideyang napulot nila sa pagtatapos. Hmmmm....
Eh bakit nga ba numero muna? Sige tanungin ko muna kayo bago ang lahat ng paliwanag. Paano mo ba nagustuhan ang isang tao? Syempre, ako na rin sasagot sa tanong ko eh adik lang ako't nagtanong pa sa inyo gayung nagbabasa lang naman kayo't malay ko ba kung talagang sagutin n'yo :) Hindi nga ba't bago n'yo sila magustuhan ay kailangang makilala n'yo muna sila? Lahat ng gusto nila, anong partido ba sila, anong channel - kung kapampams, kanguso, o kapal-tid ba sila, o kung anu pa man ang kabuuang pagkatao n'ya. Ganun din po ang aking opinyon kung paano nga dapat na maituro at magustuhan ng kabataan natin ngayon ang larangang ito. Kailangang ma-appreciate (wow ingles 'to, dugo ilong ko) muna nila ang mga katangian ng kinamulatan nilang numero. 'Wag lang po sana natin ituro sa kanila kung paano magbilang, mag-add, minus, multiply, at magdibay-dibay ('yan tuloy nagaya na rin ako sa kanila). Bagkus kailangan muna nilang malaman ang mga katangi-tangi, aplikasyon, at mga nakakatuwang bagay sa bawat isa sa numero. Ang aklat po ay gabay lamang na kung pagbabasehan nga natin ang laging sinasabi ni Ms. Zenaida Seva na "Hindi hawak ng mga bituin ang ating kapalaran. Gabay lamang sila. Meron tayong free will, gamitin natin ito”.
Nasa titser nga ang pamamaraan kung paano magugustuhan ng mga kabataan natin ngayon ang larangang ito. Na dahil sa mga maling akala at bulung-bulungan na nagpasalinsalin na sa bawat henerasyon na ang matematika nga raw ay lubhang napakahirap aralin, lalo tuloy nababaon sa limot at napag-iiwanan na ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa. Kaya po tok! tok! tok! Sana po ay mapakinggan tayo.
Comments
Post a Comment