Sanayan ng Isip --- Sipnayan
Image Courtesy of www.dreamstime.com |
Matagal na rin akong naging tigang sa pagtuturo sa larangan ng sipnayan. Kaya sa mga sumandaling ito ay binibigyan daan ko ang aking matagal ng inaasam-asam na muli ay makapigbigay ng kaliwanagan sa mga taong halos ay maubos na ang buhok at kilay sa gabi-gabing pag-aaral ng mga teorya at iba pang panghubog kaalaman ukol sa ganitong paksa. Marahil nga ay nangangalawang na ng konti ang aking sintido pero sa pamamaraang ito ay baka sakaling bumalik ng sumandali ang ilan pa sa natitira kong nalalaman.
Lahat ng ihahatid ko sa blog na ito ay pawang sa wikang atin lamang nang sa gayon ay mas maintindihan ng bawat mambabasa ang sa akala nilang napakahirap na paksa. Ito rin ay bilang tugon ko sa mga mag-aaral na nagkakaroon ng maling haka-haka o opinyon sa ganitong larangan. Hindi nga ba't simula't sapul pa lamang ay marami na tayong naririnig na lubhang napakahirap ng sipnayan o matematika? Kapag tinanong ng bata ang kanilang magulang, ano ba madalas ang kanilang isinasagot sa tanong kung "ano para sa kanila ang mahirap aralin?" Iisa lang ang mas mamumutawi at mangingibabaw sa kanila - 'yun ay ang matematika! Hindi man sinasadya ay sumasagi na agad sa ganitong paraan sa isip ng mga bata na sadya ngang mahirap ito at malamang na mahihirapan sila. Dito nga nagsisimula ang tinatawag nila na "mind-conditioning" o ang kaisipan na maaari nga silang mangamote sa loob ng klase.
Sabi nga ng ilan ay mas madaling hubugin ang kaisipan ng tao habang bata pa. Kaya nga mas dapat na sa simula palang na tumuntong ang bata sa paaralan ay mas maigi na maiharap sila sa isang interaktibong kapaligiran at mga madudunong na tagapaglinang ng isip. Subalit hindi dapat sa paaralan nagtatapos ang paghubog nito kundi maging ang mga magulang ay dapat may karampatang responsibilidad rin. Sa ngayon na napakahirap kitain ang pera ay mas inaasa na ng ilan sa mga guro ang ganitong responsibilidad. Kapag ganito nga ang nangyari ay napuputol ang sirkulo ng pagtuturo. Ikaw kaya, iaasa mo rin kay titser, kay yaya, o kaya sa tutor?
Maraming salamat,kaibigan..:)
ReplyDelete