Isang Pag-unawa sa Function at Relation

Mataman nating usisain kung anu nga ba ang kaibhan ng dalawang ito - ang Function kumpara sa Relation. Pero bago natin kalkalin ang lahat ng maaari nating masambit dito ay mas maigi siguro kung gawin natin ito sa paraang mas maiintindihan ng bawat isa. Hmmmm ganito, siguro naman nakapaglaro na kayo ng "Trip to Jerusalem" di ba? Pero kung sadya lang kayong matimtiman at halos di makabasag pinggan na halos walang alam din sa mundong ibabaw eh s'ya sige, narito ang gabay sa paglalaro nito;

- Mga kasali dito madalas ay mga lalaki at babae, na kung saan ay naka-upo ang lalaki samantalang nakapaligid lamang dito ang mga babaeng gustong manalo ng premyo.
- Sa saliw ng isang musika ay kailangang magsayaw o gumalaw-galaw ang babae paikot sa nakapabilog na inuupuan ng mga lalaki.
- Kapag huminto ang musika ay kailangang makipag-agawan ang babae sa kandungan ng lalaki at kung saan ay iisa lamang ang maaaring maging pares ng lalaking nakaupo.
- Ang babaeng walang maupuan ay out.
- Isa-isa namang tatanggalin ang lalaki at upuan habang tumatagal hanggang sa iisang upuan at lalaki na lamang ang matira laban sa dalawang nag-aagawang babae.

Eh ano nga ba ang kinalaman ng larong ito sa paksa natin ngayon? Unahin muna natin ang pagbibigay ng kahulugan sa bawat terminolohiya. Ang mga babae na umiikot at INDEPENDENT ika nga sa kanilang ginagawa ay tinatawag na DOMAIN samantalang ang mga lalaking nakaupo lamang at DEPENDENT sa kung sinumang babae ang matapat sa kanila ay tinatawag nating RANGE. Ngayon, kapag nakipagpares na ang bawat isang babae sa lalaki o kaya pagma-mapa (mapping) ng domain at range, ang  tawag na dito ay ORDERED PAIR. Halimabawa, si Maria (M) ay nakipagpares kay Juan (J) kung kaya't sa simbolo ito ay (M, J). Kapag bawat ordered pair ay nailista na natin at ito ay naging kalipunan ng lahat sa pamamagitan ng pagkakaroon ng interaksyon sa dalawang panig, ito ay tinatawag na nating RELATION. Samantala, ang FUNCTION ay isang natatanging uri lamang ng relation na kung saan ay wala dapat nauulit na domain sa pakikipagpares sa range. Sa laro, ika nga, dapat ay stick to one lamang ang babae (domain) at di dapat kumuha ng dalawang lalaking (range) nakaupo - ito ay magsisilbing violation sa laro. Subalit ang mga babae ay maaari namang makipag-agawan sa pag-upo sa lalaki at ito ay pinapayagan sa laro - ang tawag pa rin dito ay function. Kung kaya't kapag sinabi nating function, ang domain ng bawat ordered pair ay maaaring many-to-one pero hindi maaaring one-to-many ika nga. O kaya naman, ang function ay laging relation subalit hindi sa lahat ng oras na ang relation ay isang function. UNDERSTOOD?

Comments

Popular posts from this blog

Eleven, labing-isa, onse!

Sanayan ng Isip --- Sipnayan

Give me Five! Kahit maging LIMA ka pa!